CAUAYAN CITY – Umabot na sa 50 ang namatay sa dengue sa ikalawang rehiyon.
Tumaas ang dengue cases sa region 2 ng 46% kumpara sa katulad na panahon noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Romeo Turingan, Dengue Monitoring Coordinator ng DOH region 2 na umabot na sa 9, 957 ang dengue cases sa buong rehiyon.
Ang pinakamataas ay naitala sa Isabela na 3,650, ikalawa ang Cagayan na 3,628, pangatlo ang Nueva Vizcaya na 1,138, ikaapat ang Quirino na 968 at ikalima ang Batanes na 8 lamang
Sa 50 na nasawi ay 24 sa Isabela, 23 Cagayan, 2 sa Quirino at 1 sa Nueva Vizcaya.
Karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay nasa edad 6-10 anyos na may 22% sa kabuuang bilang.
Ayon kay Dr. Turingan sa kanilang monitoring, ang trending ng kaso ng dengue sa region 2 ay pababa dahil regionwide ay mababa sa alert threshold ngunit may ilang bayan na mataas ang threshold.
Kabilang sa mga ginagawang hakbang ng DOH region 2 ay pamamahagi ng mga insecticide-treated screen sa mga public schools noon pang Enero at ang pamamahagi ng insecticide sa mga lalawigan para magamit sa fumigation.