CAUAYAN CITY – Nagsimula na kahapon, January 17, 2022 ang dalawang linggong academic health break na ipinatupad ng Department of Education (DepEd) Cauayan City matapos ang konsultasyon sa mga school heads, pamahalaang lunsod at iba pang line agencies kaugnay ng sitwasyon ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng DepEd Cauayan City na maraming guro at learners ang may sintomas gaya ng sipon at ubo kaya nagpasya sila na magpatupad ng academic health break ng dalawang linggo para mabigyan sila ng pagkakataong makapagpahinga.
Nagsimula na kahapon ang academic health break na ipinatupad ng DepEd Cauayan City at magtatapos sa January 28, 2022.
Ayon kay Dr. Gumaru, ito ay batay sa memorandum na ipinalabas ng DepEd Central Office na hindi bababa sa 2 linggo ang academic health break.
Sinuspindi aniya ang mga aktibidad sa mga paaralan para walang rason na lalabas ang mga guro at mag-aaral.
Sinabi pa ni Dr. Gumaru na nakasaad sa kanyang ipinalabas na memorandum na kung walang mahalagang gagawin sa labas ay manatili lang ang mga guro sa kanilang bahay.
Inatasan din niya ang mga school heads na tingnan ang kapakanan ng mga guro at hindi bigyan ng assignment para makapagpahinga sila sa panahon ng academic health break.






