--Ads--

Ipinagtanggol ng Department of Education (DepEd) nitong Martes ang planong pagpapatupad ng three-term school calendar simula School Year 2026–2027, na layong mapanatili ang tuloy-tuloy na pagkatuto at mabawasan ang pagkaantala sa mga klase.

Naglabas ng pahayag ang DepEd kasunod ng mga batikos mula sa ilang grupo sa edukasyon, at iginiit na ang nasabing reporma ay nakabatay sa mga konsultasyon at datos na nagpapakita ng patuloy na kakulangan sa kasalukuyang school calendar.

Ayon sa DepEd, umabot sa 53 mula sa 180 araw ng pasukan noong School Year 2023–2024 ang nawala dahil sa masamang panahon at mga non-instructional activities. Dahil dito, napipilitan umano ang mga guro na magmadali sa pagtuturo at nababawasan ang oras ng pagkatuto ng mga estudyante.

Upang matugunan ito, hahatiin ang school year sa mas organisadong mga yugto, kabilang ang panimulang panahon para sa assessment at paghahanda, mas mahahabang tuloy-tuloy na panahon ng pagtuturo, at nakatakdang pagtatapos ng bawat termino para sa remediation, enrichment, at pagsasanay ng mga guro.

--Ads--

Ayon pa sa DepEd, layunin ng bagong iskedyul na gawing mas predictable ang daloy ng pagtuturo at maglaan ng sapat na oras para sa mga gawaing administratibo at wellness activities, na makatutulong upang mabawasan ang burnout ng mga guro.

Dagdag pa ng ahensya, ang polisiya ay binuo sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga guro, school leaders, mag-aaral, magulang, at iba pang stakeholders mula sa pampubliko at pribadong sektor, kung saan nakalap ang mga suhestiyon sa pamamagitan ng nationwide orientation.

Samantala, binatikos naman ng Alliance of Concerned Teachers Philippines (ACT) ang nasabing reporma at tinawag itong “superficial” o mababaw na solusyon sa mas malalalim na problema sa edukasyon.

Ayon sa grupo, hindi nito tinutugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro, at learning resources. Binalaan din nila na maaari nitong dagdagan ang pasanin ng mga guro, lalo na sa pag-aangkop ng kurikulum, sistema ng assessment, at mga materyales sa pagtuturo nang walang sapat na paghahanda at suporta.

Iginiit din ng ACT na nalilihis ang atensyon mula sa mas mahahalagang isyu tulad ng mababang sahod, tumataas na gastusin sa pamumuhay, at kakulangan sa pondo at benepisyo para sa mga guro.

Sa kabila nito, nanindigan ang DepEd na bahagi ang tatlong-term na school calendar ng mas malawak na reporma, kabilang ang pagtatayo ng mga silid-aralan, pagpapalawak ng school feeding programs, pagpapalakas ng literacy interventions, at pagpapabuti ng access sa learning resources.

Habang papalapit ang implementasyon, sinabi ng DepEd na patuloy silang makikinig sa feedback, magmo-monitor ng pagpapatupad, at magsasagawa ng mga kinakailangang pagbabago upang matiyak ang maayos na rollout ng programa.