CAUAYAN CITY – Kinalampag ng pamunuan ng DepEd Isabela ang DPWH na madaliin ang pagpapatayo ng mga gusali para sa senior highschool na gagamitin sa darating na pasukan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Schools Division Superintendent Jessie Amin ng DepEd-Isabela na mistulang hindi aabot sa pagbubukas ng pasukan ang mga ipinapatayong gusali para sa mga senior highschool.
Aminado si Dr. Amin na naantala ang konstruksyon ng mga school building dahil sa binago ang istraktura ng mga gusali.
Layunin nito na maging typhoon-resistant at hindi basta-basta mapipinsala lalo na kung tatama ang malalakas na bagyo na aabot hanggang Storm Signal No. 5
Umapela si Dr. Amin sa DPWH na bilisan ang pagpapatayo ng mga gusali bago ang pasukan o hanggang sa buwan ng August.
Aniya, bagama’t may nakahandang alternatibong paraan ang DepEd subalit kailangan ito matapos sa lalong madaling panahon.