CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng hiwalay na pagsisiyasat ang pamunuan ng Schools Division Office o SDO Isabela kaugnay sa pagkakadakip ng isang Head Teacher sa Cabatuan Isabela dahil sa ipinagbabawal na gamot.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Henedino Joseph Eduarte Jr, Atty. 3 ng SDO Isabela, sinabi niya na ikinagulat ng pamunaan ng SDO Isabela ang nasabing pangyayari at bilang hakbang ay napagdesisiyunan nila na magsagawa ng hiwalay na pagsisiyasat.
Sa kabila nito ay tiniyak ng SDO Isabela na gagawin nila ang mga karampatang hakbang upang masiguro na hindi na mauulit pa ang parehong insidente sa pamamagitan ng pagpapaigting ng mga drug symposium sa mga paaralan kaugnay sa masamang maidudulot ng paggamit ng illegal drugs katuwang ang pulisya.
Matatandaang nadakip si Jesus Ramirez, 49-anyos, hiwalay sa asawa at Head Teacher ng Ortiz Saranay Elementary School sa bayan ng Cabatuan, Isabela sa isinagawang Anti Drug Buy Bust Operation ng mga otoridad.