--Ads--

CAUAYAN CITY – Agad na gumawa ng hakbang ang tanggapan ni Schools Division Superintendent  (SDS) Amador Gacia Sr. ng Department of Education (DepEd) Kalinga  matapos nilang mapanood  noong Lunes ang viral na video ng pananakit ng guro sa dalawang mag-aaral sa grade 5 na hindi masagot ang Math exercise sa blackboard.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan,  sinabi ni Dr. Garcia na nalaman ng mga personnel na  inatasan niyang magsagawa ng beripikasyon at imbestigasyon na ang viral na video ay naganap noon pang Abril 2022 sa Bangad Centro Elementary School sa Tinglayan, Kalinga.

Ito ay ini-upload sa social media  nang magsimula ang pasukan noong ika-22 ng Agosto  2022.

Ang guro na nagpakita ng pang-aabuso ay  nagtuturo ng Mathematics at adviser mismo ng dalawang mag-aaral.

--Ads--

Nagalit ang guro at sinaktan ang mga bata nang hindi nila masundan at masagot ang Math  exercise sa blackboard.

Ayon kay Dr. Garcia, ang binuo nilang child protection committee sa  pahintulot ng regional director ng Dep-Ed sa Cordillera Administrative Region (CAR) ay nagsagawa ng malalimang pagsisiyasat.

Napag-alaman nila na nasa grade 6 na ang mga bata at pumapasok sila sa paaralan.

Sa pagtatanong  ng mga personnel ng DepEd Kalinga ay may kaunting trauma at takot ang dalawang bata  sa maaaring  gawin ng guro.

Lumabas din sa kanilang pag-iimbestiga na  hindi alam ng principal  ang  nangyaring pananakit ng guro kundi nalaman lang sa ini-upload na video.

Gayunman,  nang mapanood ito noong ika-23 ng Agosto 2022 ay nagpatawag siya ng  meeting noong ika-29 ng Agosto kasama ang guro, kamag-anak ng dalawang mag-aaral at iba pang mga  stakeholders  sa komunidad.

Sa kanilang level ay nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng guro at mga magulang ng mga bata.

Ang guro naman ay naka-leave  mula noong ika-30 ng Agosto hanggang bukas, ika-9 ng Setyembre dahil sa nararanasang stress dulot ng kumalat na video at umani ng mga negatibong komento mula sa mga netizen.

Sinabi ni Dr. Garcia na nagsumite na ang guro kanyang panig sa kumalat na video ng kanyang pananakit na ipapadala nila sa tanggapan ng regional director.

Ipinaliwanag ni Dr. Garcia na ang regional director ang may hurisdiksiyon  sa pagpapataw ng parusa o disciplinary action sa mga sangkot sa paglabag sa Child Protection Law at Anti-Bullying Act.

Ang sakop  aniya ng Schools Division Superintendent (SDS) ay mga non-teaching personnel.

Binanggit din ni Dr. Garcia na nagpunta kahapon sa kanyang tanggapan ang guro kasama ang mga elder sa kanilang barangay at kamag-anak ng mga bata.

Kahit nagkaroon aniya ng pag-uusap ang guro at mga magulang ng mga bata kasama ang mga opisyal ng barangay  ay nakasalalay sa assessment at evaluation ng committee mula sa tanggapan ng regional director ang posibleng ipapataw na parusa ng nagawang pananakit sa dalawang mag-aaral na lumabas sa social media.

Kinumpirma ni Dr. Garcia na may natanggap silang impormasyon magagalitin ang guro at may mga nauna nang insidente ng pananakit ng mag-aaral.

Ipinagbabawal aniya ang anumang uri ng pananakit o pang-aabuso ng mga guro at personnel ng DepEd tulad ng emotional, physical at verbal abuse.

Hindi nila kinukunsinti ang nagawa ng guro at kapag napatunayang nagkaroon ng pang-aabuso sa isasagawang due process ay dapat mabigyan ng kaukulang parusa o  disciplinary action.

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Amador Garcia Sr.

Una rito, sa naging panayam ng Bombo Radyo cauayan, sinabi ni Daisy Mae Ayfa, tiyahin ng dalawang mag-aaral na nais nilang may gagawing action laban sa guro na nanakit sa dalawang pamangkin.

Humihiling sila ng tulong ng Bombo Radyo Cauayan kung ano ang dapat nilang gawin.

Ayon kay Ayfa, masakit para sa kanila ang ginawa ng guro sa kanyang dalawang pamangkin na nagkaroon ng trauma sa pangyayari.

Binigyang-diin ni Ayfa na hindi dapat dinadala ng guro sa paaralan ang anumang  galit o problema sa kanilang bahay.

Nanawagan siya sa DepEd na gumawa ng imbestigasyon at action sa ginawa ng guro.