Nagpalabas ng paalala ang Kagawaran ng Edukasyon sa Rehiyon Dos na panatilihing simple pero makabuluhan ang Christmas parties sa mga paaralan ngayong taon. Alinsunod sa direktiba ng malacañang na umiwas sa magagarbong selebrasyon bilang pakiki-isa sa mga komunidad na silanta ng bagyo, baha, at lindol.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauyan kay Assistant Regional Director Dr. Florante Vergara, sinabi niyang mahigpit pa ring ipinapatupad ang No Collection Policy, alinsunod sa DepEd Order No. 62, Series of 2022.
Ayon kay Dr. Vergara, hindi dapat mapilit ang mga magulang at estudyante na magbigay ng kontribusyon o bumili ng regalo dahil ang pasko ay para sa lahat.
Tiniyak din niya na anumang kasunduan sa pagitan ng mga magulang hinggil sa contributions o exchange gifts ay dapat boluntaryo lamang, at pinapayagan lamang ito sa ilang private schools, ngunit hindi sa public schools na sakop ng direktiba mula sa DepEd.
Nilinaw rin ng opisyal na kahit tumanggi ang isang magulang o estudyante sa kontribusyon, hindi ito magiging dahilan para pagbawalan ang bata na makasama sa christmas party.
Samantala, inanunsiyo ng DepEd Region 2 na sila mismo ay magbibigay na lamang ng donasyon para sa mga nasalanta ng nagdaang mga bagyo bilang pagpapahalaga sa tunay na diwa ng bayanihan ngayong pasko.










