CAUAYAN CITY – Nakiisa ang Department of Education (DepEd) region 2 sa pagdiriwang ng National Teachers Day na pangunahing isinagawa sa Dahug, Cebu.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Amir Aquino, head ng Public Affairs Unit ng DepEd region 2 na sesentro ang pgdiriwang sa temang “Bawat gurong Pilipino Katuwang sa Hamon, Kasama sa Pagbangon”.
Napakalaking hamon aniya sa mga guro ang nararanasang pandemya.
Ayon kay Ginoong Aquino, nagtungo si Regional Director Benjamin Paragas sa Schools Division Office (SDO) Lunsod ng Santiago kung saan magkakaroon ng showcase sa pagdiriwang.
Kasama si Regional Director Paragas sa limang regional director na nagboluntaryo na kasama sa live feed at nagbigay ng mensahe kaugnay ng pagdiriwang ng National Teachers Day.
Sinabi pa ni Ginoong Aquino na ang siyam na SDO ay sa ikalawang rehiyon mayroon ding inihandang programa na nagsimula pa noong ikalima ng Setyembre na kickoff ng national teachers month.
Ito na aniya ang ikalawang taon na pagdiriwang na nasa pandemya ang bansa.
Nakikita niya ang sidhi at lalim ng pagdiriwang dahil nagtatagumpay ang mgaguro sa gitna ng sakripisyo at mas mahirap na sistema ng pagtuturo ngayong may pandemya.
Hinggil sa protesta ng guro sa Metro Manila at sa hiling na itaas ang sahod ng mga guro, sinabi ni Ginoong Aquino na may limitasyon ang pondo dahil hindi buo na naibibigay sa DepEd ang hiling na taunang pondo.
Walang protesta ang mga guro sa region 2 dahil ipinapaliwanag nila sa mga guro na naibibigay naman ang mga benepisyo na nararapat na para sa kanila.
Malaki ang aniya ang bilang ng mga guro sa bansa kaya malaking konsiderasyon ang pondo sa pagtaas ng kanilang sahod.
Hindi ito kontrolado ng DepEd kundi nasa nasa national leadership.
Samantala sa Cauayan City ay isinagawa ang culminating activity sa pagdiriwang ng buwan ng mga guro.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng DepEd Cauayan City na mayroon nang mga aktibidad na isinagawa bilang pagkilala sa kabayanihan at nagawang kakaiba ng mga guro.
Isinagawa ang virtual na programa sa Schools Division Office (SDO) bilang pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro.
Ayon kay Dr. Gumaru, ipinaubaya niya sa punong guro ng isang paaralan ang pagpili ng ulirang guro na nagpakita ng husay sa Kaalaman, Skills at Attitude (KSA), mga intervention at innovation na ginawa ng guro para higit na mapaganda ang sistema ng edukasyon lalo na ngayong may pandemya.





