
CAUAYAN CITY – Patuloy na hinihikayat ng Department of Education o DepEd Region 2 ang kanilang mga stakeholders na makiisa sa isasagawang Brigada Eskwela sa ikalabing apat hanggang ikalabing siyam ng Agosto.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Project Development Officer IV Ferdinand Narciso ng DepEd Region 2 na layunin ng isasagawang Brigada Eskwela na sa loob ng isang linggo ay magtulung-tulong ang kanilang mga stakeholders para maibahagi ang kanilang kakayahan na maisaayos ang mga kailangang ayusin sa mga paaralan para sa pagbalik ng mga mag-aaral sa ikadalawampu’t siyam ng Agosto.
Umaasa sila na magiging mataas ang mga makikiisa sa kanilang brigada eskwela kaya hinihikayat nila ang lahat ng mga stakeholders lalo na ang mga magulang maging ang mga mag-aaral na makiisa.
Aniya, may mga pangangailangan ang mga paaralan lalo na sa karagdagang silid-aralan kaya naman humihingi na ng tulong ang mga schools’ division sa mga local government units o LGUs.
May inilaan naman ang DepEd para sa mga pangangailangan ng mga paaralan subalit napakaliit lamang ito dahil sa dami ng mga paaralan na naghahati-hati sa inilaang pondo.
Tiniyak naman niya na hindi masasayang ang mga ibibigay na tulong ng kanilang mga stakeholders.










