
CAUAYAN CITY – Nagsasagawa na ng acounting ang Kagawaran ng Edukasyon o DepEd Region 2 sa mga paaralan na napinsala matapos ang pananalasa ng Bagyong Goring.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas Regional Director ng Deped Region 2 sinabi niya na batay sa kanilang pag-iikot sa lahat ng mga paaralan sa buong Lambak ng Cagayan ay naging maayos ang unang araw ng pasukan maliban sa mga probinsya at munisipalidad na dinaanan ng Bagyong Goring kabilang dito ang Cagayan.
Aniya una na ring nagbigay ng abiso si Cagayan Governor Manuel Mamba ng suspensyon ng klase matapos mapinsala ang ilang paaralan habang may mga silid aralan naman ang pinasok ang tubig sa Benito Soliven, Isabela.
Ayon kay Dr. Paragas binigyan na ng mandato ang bawat School Head sa iba’t ibang antas na magsagawa ng accounting sa mga kagamitang nasira dahil sa bagyo at nagbaba na rin sila ng pondo na gagamitin sa rehabilitasyon sa mga paaralang nasira.
Hindi naman aniya problema para sa DepEd Region 2 ang pansamantalang pagkaantala sa klase dahil sa mga nagdaang kalamidad at may ibang modalities namang maaaring gamitin ang mga guro para sa pag-aaral ng mga mag-aaral gaya ng distance learning o modular learning.










