CAUAYAN CITY- Pinaghahandaan na ng Department of Education (DepEd) Region 2 ang nalalapit na Palarong Pambansa na gaganapin sa Laoag, Ilocos Norte.
Ito ay matapos ang matagumpay na Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) Meet 2025 na opisyal nang nagtapos kahapon, Abril 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi niya na isa sa kanilang gagawing paghahanda ay ang pagpaplano sa gagawing in-house training ng mga atletang pasok para sa Palarong Pambansa.
Aniya, Regional office ang magbibigay ng subsidiya sa mga Atleta na sasailalim sa naturang training.
Target namang lumuwas ng kanilang delagasyon patungong Laoag, Ilocos Norte dalawang linggo bago ang pagsisimula ng kompetisyon sa Mayo 24 kaya nais nilang makapaghanda ng maaga.
Bagaman hindi lahat ng mga Altletang nakibahagi sa CAVRAA 2025 ay nabigyan ng pagkakataon na mairepresenta ang Region 2 sa Palarong Pambansa ay nakipagkasundo ang pamunuan ng DepEd Region 2 sa siyam na Athletic Delegations sa CAVRAA na ipagpatuloy ang pagsasanay sa kanilang mga atleta.
Ito ay upang matiyak na mas lalo pang humusay ang mga atleta sa Lambak ng Cagayan at mas maging handa sa mga susunod na mga patimpalak palakasan.
Nagpapasalamat naman si Dr. Paragas sa Pamahalaang Panlungsod ng Santiago na siyang Host City sa katatapos na CAVRAA, sa lahat ng mga Athletic Delagations sa pamumuno kanilang mga Schools Division Superintendent at sa lahat ng bumubuo sa tagumpay ng CAVRAA 2025.










