--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng DEPED Region 2 ang nalalapit na vaccine rollout ng pamahalaan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Amir Aquino ng DEPED Region 2, sinabi niya na bilang paghahanda sa vaccination program ng pamahalaan ay nagsagawa sila ng mga webinars katuwang ang ilang ahensya ng pamahalaan.

Napag uusapan sa mga online webinars katuwang ang mga eksperto ang kahalagahan ng pagpapabakuna at kung ano ang advantages nito sa katawan lalo na sa virus.

Ito ay bilang paghikayat din aniya sa ilang nag-aalangan na magpabakuna kahit pa ito ay voluntary lamang.

--Ads--

Batay sa ilang survey marami pa rin ang mga ayaw magpabakuna dahil sa ilang mga impormasyong kumakalat sa internet na mariin namang pinapabulaanan ng pamahalaan.

Nakatakda namang tingnan ng ahensya kung ilang porsyento ang ayaw at gustong magpabakuna sa mga kawani at stakeholders ng DEPED Region 2 upang maipasa na sa Central Office.

Ayon kay Ginoong Aquino, kasama ang mga guro sa priority list ng pamahalaan sa pagbabakuna.

May mga datos na ring isinusumite ang DEPED Region 2 sa Central Office ng listahan ng mga mauunang mababakunahan.

Maging ang mga LGUs ay may sarili ring listahan ng mga guro at hinihintay na lamang nila ang pinal na listahan mula sa DOH at IATF.

Umaasa naman ang DEPED Region 2 na marami ang magpapabakuna sa kanilang mga kawani at stakeholders bilang suporta na rin sa programa ng pamahalaan.

Ang bahagi ng pahayag ni Information Officer Amir Aquino ng DEPED Region 2.