Planong magtayo ng pansamantalang learning space ang Department of Education Region 2 sa Basco Central School.
Ito ay upang mayroong magamit na learning area ang mga mag-aaral na apektado sa pagkasunog ng dalawampung silid sa naturang paaralan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi niya na kung mayroon pa silang nalalabing pondo ay maaari silang magtayo ng pansamantalang masisilungan ng mga mag-aaral.
Maaari rin nilang gawing silid-aralan ang mga opisina ng Basco Central School na hindi nadamay sa sunog para may magamit sa pag-aaral ang mga estudyante.
Ang ilang mag-aaral na hindi ma-a-accommodate ng pansamantalang mga learning spaces sasailalim sa alternative delivery mode kung saan bibigyan sila ng mga modules at iba pang learning resource na maaari nilang I-uwi.
Dahil fire prevention month ngayong Marso ay patuloy umano ang mga isinasagawa nilang pagpapaalala sa mga paaralan na mag-ingat at maging mabusisi sa pag-inspection sa mga electrical wirings at iba pang mga maaaring pagsimulan ng sunog upang hindi na masundan ang kaparehong insidente.
Samantala, mula sa dating P40 Million ay umakyat na sa P150 Million ang estimated na inisyal na halaga ng pinsala.