Hiniling ni Sen. Bam Aquino sa Senado na magsagawa ng pagdinig kaugnay ng planong ipatupad ng Department of Education (DepEd) ang trimestral system para sa School Year 2026–2027.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, iginiit ni Aquino na kailangang masusing pag-aralan at pag-usapan ang naturang reporma bago ito ipatupad. Aniya, dapat itong sumailalim sa malawakang konsultasyon upang matiyak na hindi ito maisasagawa nang padalus-dalos.
Bagama’t bukas ang komite sa mga repormang tutugon sa learning gap at magpapagaan sa trabaho ng mga guro, mahalaga aniyang malinaw ang magiging epekto nito sa mga mag-aaral at mga guro.
Nauna nang inihayag ng DepEd na pinag-aaralan nito ang pagpapatupad ng trimestral system bilang bahagi ng isang “holistic approach” para sa mas balanseng time management ng mga mag-aaral at mas episyenteng pagtuturo ng mga guro.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng panukala na magbigay ng mas mahaba at tuloy-tuloy na panahon ng pagkatuto, mas maayos na pacing ng mga aralin, at mas sistematikong iskedyul upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon.
Sa ilalim ng iminungkahing sistema, hahatiin ang 201 school days sa tatlong termino: Hunyo hanggang Setyembre, Setyembre hanggang Disyembre, at Enero hanggang Marso. Bawat termino ay magkakaroon ng 54 hanggang 61 araw ng tuloy-tuloy na instruksyon, na may nakalaang pagitan para sa non-academic activities at enrichment programs.
Inaasahan namang maglalabas ang DepEd ng pinal na policy guidelines sa mga susunod na araw matapos ang serye ng konsultasyon sa mga stakeholder.











