Nakapag-deploy na ng personnel ang hanay ng Isabela Police Provincial Office sa mga simbahan sa lalawigan ng Isabela, isang araw bago ang pagsisimula ng Misa De Gallo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng IPPO, sinabi niya na sa ngayon ay wala pa namang nagre-request ng augmentation mula sa mga local stations subalit handa naman ang provincial headquarters na magpadala ng karagdagang tauhan kung kinakailangan.
Tiniyak ng IPPO na hindi lamang Simbang Gabi ang kanilang tututukan dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang mga anti-criminality checkpoints, mobile at foot patrols upang matiyak ang kaligtasan ng pangkalahatan ngayong holiday season.
Nilinaw ni PCapt. Topinio na bagaman nabibigyan ng pagkakataon ang mga kapulisan na magpahinga sa holiday season ay tiniyak ng IPPO na hindi maaapektuhan ang kanilang deployment at pagbibigay-seguridad sa publiko.
Pinaaalalahanan naman niya ang lahat na magdoble-ingat sa lahat ng pagkakataon at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga umiiral na panuntunan upang matiyak na walang maitalang hindi kanais-nais na pangyayari ngayong holiday season.











