Dismayado ang isa sa mga Deputy Speaker ng House of Representatives sa mga pahayag ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte kay Pangulong Marcos.
Magugunita na unang sinabi ni VP Sara na may inutusan siya para patayin si President Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez kapag siya ay napatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cong. Antonio Tonypet Albano, Deputy Speaker at Representative ng Isabela 1st District, sinabi niya na nakakabahala ang pahayag ng bise presidente at hindi nararapat ang ganitong gawain ng isang public official kaya hindi ito dapat palampasin ng pamahalaan.
Tila nawalan na umano ng respeto si Cong. Albano sa ganitong ginawa ni VP Sara dahil sa kanyang pag-iisip at pag-uugali na hindi na angkop sa publiko.
Hindi aniya magandang pakinggan mula sa bise presidente ang pagpapatay sa mismong presidente ng Pilipinas at bawal na bawal din ito sa rule of law.
Ang pagbabanta ng karahasan sa Pangulo mismo ay hindi lamang mali kundi isang pagtataksil sa bayan at ng ganitong pagkilos ay kailangang masagot ng Vice President sa ilalim ng batas
Maituturing na itong krimen kaya dapat lamang na imbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI at ng Department of Justice o DOJ.
Kung sa ibang bansa aniya ito ginawa ay maaring pinosasan na agad si VP Sara at naipakulong na sa kanyang mga pahayag laban sa pangulo.
Sa ganitong gawain din umano nabubuo ang mga kudeta at kaguluhan kaya nakakabahala lalo na at maraming tagasuporta ang bise presidente.