Nilinaw ng isang Law Professor na hindi kuwestiyonable ang hindi pagsasapubliko ng Office of the Ombudsman sa pag-dismiss sa Dismissal Order laban kay Senator Joel Villanueva noong 2016 dahil sa umano’y pagkakadawit nito sa pork barrel scam.
Ito ay matapos madiskubre ng kasalukuyang Ombudsman na si Jesus Crispin Remulla na naibasura na ang mga kasong isinampa laban sa Senador noong 2019 sa ilalim ng pamumuno ni dating Ombudsman Samuel Martires nang hindi man lang naisasapuliko ang desisyon.
Dahil dito ay tinawag ni Remulla na “secret decision” ang dismissal order ni Martires.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi niya na bagama’t ang desisyon ng Ombudsman sa anumang kasong hinahawakan nito ay maituturing na public records ay hindi naman ito required na i-publish sa media.
Ang mahalaga ay nabigyan ng kopya ng desisyon ang magkabilang partido.
Ayon kay Atty. Arreola, saklaw ng hurisdiksyon ng Ombudsman na mag-dismiss ng mga kawani ng pamahalaan na mapatunyang lumabag sa saligang batas.
Gayunpaman, ang dismissal order laban sa isang Senador o Kongresista ay hindi agad-agad maipatutupad dahil kinakailangan munang dumaan ang desisyon sa mismong institusyon na kinabibilangan ng isang akusado.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi naimplementa ang dismissal order na inihain ni dating Ombudsman Conchita Morales-Carpio Lalo dahil hindi ito kinatigan ng mga Senador sa 17th congress.










