Naka-heightened alert na ang lahat ng health facilities sa buong Region 2 upang magbantay at mag-ulat kaugnay ng Yuletide surveillance ngayong kapaskuhan.
Bukod sa pagmomonitor ng mga posibleng insidente ng paputok, kabilang din sa binabantayan ang mga kaso ng road crash injuries.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Paulene Keith Atal, Health Education and Promotion Officer ng Department of Health (DOH) Region 2, sinabi niyang simula Disyembre 21, ang unang araw ng surveillance, ay may naitala nang 45 kaso ng road crash injuries. Wala namang naiulat na nasawi sa mga insidenteng ito, subalit apat sa 45 na indibidwal ang nananatiling naka-admit pa rin sa ospital hanggang sa kasalukuyan. Ayon pa kay Atal, wala pang naitatala na mga insidente ng sunog sa Rehiyon sa ngayon.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DOH Region 2 sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) upang makatulong sa pagpigil sa ilegal na pagbebenta ng paputok at sa mas pinaigting na monitoring ng paggamit ng mga ito.
Ayon kay Atal, naka–Code White ang buong Rehiyon bilang paghahanda sa posibleng mga firecracker-related injuries.
Nagpaalala rin ang DOH Region 2 sa publiko na panatilihin ang malusog na pangangatawan sa pamamagitan ng tamang pagkain at regular na ehersisyo gaya ng 30 minutong paglalakad o pagsasagawa ng mga gawaing-bahay araw-araw. Hinikayat din ang disiplina at pag-iwas sa paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak, lalo na’t karamihan sa mga naitatala na road crash incidents ay may kaugnayan sa mga nakalalasing na inumin.









