--Ads--

Pinag-aaralan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang posibilidad na tuluyang ipagbawal sa bansa ang messaging app na Telegram dahil umano sa pagdami ng kaso ng pornography at online scams na kinasasangkutan ng nasabing platform.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, pinamumugaran na umano ng ilegal na aktibidad ang naturang application, kung saan nagiging daan ito sa pagkalat ng malalaswang nilalaman at panloloko sa publiko.

Ipinaliwanag ng kalihim na nagiging madali para sa mga manloloko ang kanilang operasyon dahil maaaring magkaroon ng maraming account ang isang indibidwal sa Telegram, na ginagamit upang makapangloko ng iba’t ibang biktima.

Dagdag pa ni Aguda, maraming reklamo na ang natatanggap ng kanilang tanggapan kaugnay sa paggamit ng naturang messaging app sa ilegal na gawain.

--Ads--

Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipagpulong ng DICT sa ilang malalaking social media platforms upang paigtingin ang kampanya laban sa online scams at pagkalat ng pornograpiya sa internet.

Hindi pa naman nagbibigay ng tiyak na petsa ang ahensya kung kailan maaaring ipatupad ang posibleng pagbabawal, ngunit tiniyak nitong prayoridad ang kaligtasan ng publiko sa digital na espasyo.