Umarangkada na ang digital driver’s license renewal sa bansa, at hinihikayat ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko na samantalahin ang makabagong serbisyong ito gamit ang eGovPH app.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, layunin ng integrasyon ng driver’s license renewal sa eGovPH app na gawing mas mabilis, episyente, at mas maginhawa ang proseso ng aplikasyon—kahit nasa bahay o opisina lamang ang kliyente.
Para makagamit ng serbisyong ito, kinakailangang i-download at i-install ng mga aplikante ang eGovPH app, na libre at available sa App Store at Google Play. Pagkatapos ng pag-install, kailangang sumailalim sa security verification ang mga gumagamit upang masiguro ang proteksyon ng kanilang account at impormasyon.
Sa pamamagitan ng digital platform na ito, inaasahang mababawasan ang pila sa mga tanggapan ng LTO at mas mapapadali ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.











