CAUAYAN CITY- Umaasa ang Department of Interior and Local Government (DILG) Cauayan na isasantabi ng mga kandidato sa lungsod ang election period para sa pagpapabuti ng komunidad sa Cauayan.
Nakikita kasi ng tanggapan na malaki ang epekto ng eleksyon sa mga aktibidad o ginagawa ng mga kandidato at kakandidato sa barangay election.
Ito ay kaugnay sa nalalapit na local election na magaganap sa buwan ng Mayo at ang pinag-uusapan pang Barangay Election sa darating na buwan ng Disyembre.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Deejay Mata, Local Government Operation Officer 3, naniniwala aniya ang kanilang tanggapan na dahil sa eleksyon ay marami nanamang mga residente sa Cauayan ang magsasabi na ang mga kinikilos ng kandidato ay may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon.
Marahil aniya ay mayroong mga nagsasabi na bumabait, sumisipag, at nagiging responsable na ang mga kandidato at mga planong kakandidato sa Barangay Election.
Umaasa naman ang tanggapan na may eleksyon man o wala ay ginagawa pa rin ng mga opisyal ang kanilang tungkulin at hindi nila gagamitin ang kanilang aktibidad at proyekto para mapaganda ang pangalan sa nalalapit na eleksyon.
Dagdag pa ni Ginoong Mata, suportado rin nila ang mga barangay official’s kaya dapat bago pa man ang barangay election ay nagagawa talaga ng mga ito ang kanilang tungkulin sa kanilang nasasakupan.
Sa ngayon, nakikita naman aniya ng DILG na responsable naman ang lahat ng kandidato at mga barangay officials sa kanilang tungkulin at wala pa namang nag-uulat sa kanilang tanggapan na may mga nagbabait baitan lamang dahil sa eleksyon.