Inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa isang panayam nitong Lunes na “bad taste” ang pahayag ni Isabela Governor Rodolfo “Rodito” Albano III na pina-“chill” lamang ang mga residente habang papalapit ang bagyong Uwan, ngunit ipinagtanggol pa rin niya ang gobernador bilang isang masipag na lingkod-bayan.
Matatandaan inihayag ni Isabela Governor Albano sa isang panayam na limitado ang kakayahan ng pamahalaang panlalawigan para maibsan ang epekto ng bagyo. Sa kalagitnaan ng usapan, hinikayat niya ang mga residente na manatiling “cool” at “chill,” at magdasal na lamang dahil kakaunti umano ang magagawa laban sa lakas ng kalikasan. Biro pa niya, “hindi naman tayo makakagawa ng Noah’s Ark.”
Mabilis namang umani ng batikos sa social media ang kanyang mga pahayag, lalo na matapos maging super typhoon ang Uwan na nagdulot ng malawakang pagbaha at nagpa-isolate sa ilang barangay sa Isabela.
Sa isang panayam sinabi ni Remulla na ang mga sinabi ni Albano ay bahagi lamang ng kanyang karaniwang paraan ng pagsasalita at hindi dapat agad bigyan ng masamang kahulugan.
Samantala, kinumpirma rin ni Remulla na sisiyasatin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-alis ni Albano patungong Germany para dumalo sa isang agricultural fair, sa kabila ng direktibang nagkakansela ng lahat ng biyahe ng mga opisyal ng pamahalaan upang tutukan ang paghahanda sa bagyo.
Ayon kay Remulla, nagsumite ng leave si Albano isang buwan bago ang biyahe, ngunit humingi ito ng paumanhin sa kabila ng pag-alis at nangakong agad babalik sa bansa.
Dagdag pa niya, hindi lamang si Albano ang lumabag sa naturang kautusan.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), dalawa na ang naiulat na nasawi dahil sa bagyong Uwan hanggang nitong Lunes.
Sinisikap naman ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng reaksyon si Governor Albano kaugnay ng nasabing issue.











