Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Epal policy sa buong bansa, na nag-uutos sa lahat ng local government units at tanggapan ng DILG na agad alisin ang pangalan, larawan, at anumang pagkakakilanlan ng mga opisyal ng gobyerno sa lahat ng proyekto, programa, aktibidad, at ari-ariang pinondohan ng pamahalaan.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-006, ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, litrato, logo, inisyal, color motif, slogan, o anumang simbolo ng mga opisyal sa mga karatula, marker, tarpaulin, at iba pang materyales na ginamitan ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang mga proyekto ng gobyerno ay mula sa buwis ng mamamayan at hindi dapat gamitin sa pansariling promosyon. Ayon pa sa kanya, hindi personal na billboard ang mga programa ng gobyerno kundi simbolo ng serbisyong pampubliko.
Ipinunto rin ng kautusan ang mga probisyon ng 1987 Constitution, ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at mga patakaran ng Commission on Audit na naglalarawan sa ganitong mga display bilang hindi kinakailangang gastusin. Pinatitibay rin ito ng 2026 General Appropriations Act na tahasang nagbabawal sa paglalakip ng pangalan at larawan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Inatasan ang lahat ng kinauukulang opisyal at kawani na tiyakin ang agarang pagtanggal at pagwawasto ng mga hindi sumusunod na materyales. Mananagot ang mga pinuno ng tanggapan sa ganap at maagap na pagsunod sa kautusan.
Muling iginiit ng DILG ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panatilihing malaya sa political self-promotion ang mga proyekto ng pamahalaan at hinikayat ang publiko na ireport ang mga lalabag sa Anti-Epal policy.











