Ipinagbawal ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang paggamit at pakikilahok ng lahat ng kawani nito, mga empleyado ng mga attached agencies, at mga halal at itinalagang opisyal ng lokal na pamahalaan sa anumang uri ng online gambling.
Batay sa inilabas na Memorandum Circular 2025-082 ng ahensya, mahigpit nang ipinagbabawal ang pag-access sa mga online gambling platforms at ang paglahok sa anumang uri ng online na sugal, bilang bahagi ng pinalawak na pagbabawal sa casino gambling.
Ayon sa DILG, ang naturang kautusan ay alinsunod sa 1987 Constitution, Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at mga umiiral na kautusang administratibo mula sa Malacañang.
Nakasaad sa inilabas na DILG memorandum “Public office is a public trust. Engaging in online gambling undermines the credibility of our institutions and diverts public servants from their sworn duty to serve with integrity, competence, and loyalty”.
Babala ng DILG, ang sinumang lalabag ay maaaring maharap sa kaukulang administratibo at/o kriminal na parusa alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Agad na ipatutupad ang nasabing kautusan.








