--Ads--

CAUAYAN CITY – Nanawagan ang Department of Interior and Local Government o DILG Isabela sa mga barangay official na sundin ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanila sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan sa pagbaybay sa mga lansangang nasasakupan ng barangay.

Ito ay kaugnay sa mga isinasagawang road clearing operations sa lalawigan pangunahin na sa mga Barangay roads.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Engr. Corazon Toribio ng DILG Isabela sinabi niya na ilang taon na ring isinasagawa ito at kailangan ng mga barangay officials na maglinis sa mga daang kanilang nasasakupan kahit walang evaluation o assessment.

Nakakalungkot aniyang saka lamang kikilos ang lahat kapag nalamang may assessment o evaluation na isasagawa ang pamahalaan.

--Ads--

May mga nalaman din silang impormasyon na kahit lantaran na ang sagabal sa kalsada ay wala pa ring aksyon ang barangay.

Dahil dito ay kanilang sinulatan ang barangay kapitan upang ipaalala ang responsibilidad ng barangay sa pagtanggal sa mga sagabal sa daan na nagdudulot ng aksidente.

Pinaalalahanan naman niya ang mga bagong set ng barangay officials na hindi pa alam ang kanilang mandato patungkol sa road clearing operations at nanawagan siya sa mga ito na dumalo sa orientation ng Liga ng mga Barangay na dadaluhan ng DILG.

Pagkakataon aniya ito ng mga opisyal na matuto sa mga dapat nilang gawin at magtanong kung may hindi man klaro sa kanilang responsibilidad.

Susulatan din umano ng DILG ang mga mayors para sa muling pagsasagawa ng inspection upang maayos na ang mga daan sa lalawigan.

Nilinaw naman ni Engr. Toribio na hindi na sakop ng DILG ang mga national roads dahil sakop na ito ng DPWH at mga kompanyang may-ari ng mga poste na nakakasagabal sa mga kalsada.

Nanawagan naman siya sa publiko na hindi kaya ng mga opisyal ng barangay na solohin ang gawain at kailangan nila ng tulong upang maipatupad ang kanilang sinumpaang tungkulin tulad ng paglilinis sa mga lansangan.

Ayon kay Engr. Toribio kailangan ng kooperasyon ng lahat para sa ikakaganda ng komunidad.