--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiwala ang Department of the Interior and Local Government o DILG Isabela na madadagdagan pa ang mga Local Government Unit na mapagkakalooban ng Seal of Good Local Governance o SGLG award ngayong taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Corazon Toribio, provincial director ng DILG Isabela na noong 2023 ay apatnapu’t isang LGU ang pumasa sa ikalawang rehiyon at dalawampu’t walo rito ay mula sa Isabela.

Aniya, kung titingnan ay sampo nalang ang hindi pumasa sa lalawigan dahil kung isasama ang lunsod ng Santiago at ang probinsya ng Isabela ay tatlumpu’t walo lahat ang dapat na pumasa sa lalawigan kaya umaasa siya na ngayong taon ay madagdagan pa ito at hindi mabawasan.

Gayunman ay aminado naman siya na mahirap pumasa dahil ang ibang pamantayan ay mula sa datos ng mga National Government Agencies.

--Ads--

Samantala, matapos naman aniyang mailabas ang resulta ng SGLG noong nakaraang taon ay magsasagawa naman ng Utilization Conference ang mga nakapasa at hindi pumasa para pag-usapan ang kanilang government assessment noong nakaraang taon.

Aniya, ang Utilization Conference ay LGU ang magtatakda kung kailan gaganapin dahil kailangang dumalo ang Mayor, Vice Mayor, councilors at department heads.

Iniimbitahan din ang kanilang Civil Society Organizations partners tulad ng Department of education, Philippine National Police, at Bureau of Fire Protection.