--Ads--

Makikipag-ugnayan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamahalaan ng Sweden kaugnay ng patuloy na paghahanap kay dating Congressman Zaldy Co.

Ito ay kasunod ng ulat na personal umanong humarap si Co sa isang notaryo sa Stockholm, Sweden noong Enero 15 upang pirmahan ang kanyang petisyon na inihain sa Korte Suprema.

Kinumpirma ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang naturang hakbang ng DILG sa isang panayam sa media nitong Huwebes, at sinabing agad silang magsasagawa ng mga koordinasyon sa mga kaukulang ahensya sa ibang bansa kaugnay ng kaso.

Inaasahan din aniya na may magiging malinaw na resulta ang mga hakbang na ito sa loob ng susunod na dalawang linggo.

--Ads--

Iginiit pa ng kalihim na gumagamit si Co ng foreign passport, dahilan upang malayang makabiyahe sa Europe, taliwas sa kanyang Philippine passport na kinansela na noong Disyembre.

Dahil dito, plano ng DILG na ipa-red flag ang nasabing foreign passport sa pamamagitan ng Interpol, matapos makuha ang kopya nito, upang mapigilan ang patuloy na paglalakbay ni Co at masiguro ang kanyang posibleng pag-aresto sakaling siya ay muling bumiyahe palabas ng Portugal.