Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nakalatag na ang lahat ng kinakailangang paghahanda upang masiguro ang ligtas at maayos na pagdaraos ng “Trillion Peso March” bukas, Nobyembre 30. Kasama ang Philippine National Police (PNP), inihayag ng ahensya na handa itong gampanan ang mandato na protektahan ang bawat mamamayan at panatilihin ang kaayusan sa inaasahang malaking pagtitipon.
Ayon sa DILG, magtatatalaga ang PNP ng sapat na bilang ng pulis sa mga kritikal na lugar upang pamahalaan ang daloy ng tao, tumugon sa anumang emergency, at siguruhing maayos ang trapiko. Paiiralin din ang maximum tolerance sa buong aktibidad.
Bilang bahagi ng karagdagang hakbang sa seguridad, suspendido ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa Metro Manila mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1. Tanging mga miyembro lamang ng law enforcement na nakauniporme at nasa opisyal na pagganap ng tungkulin ang papayagang magdala ng baril sa nasabing petsa.
Ayon sa DILG, ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matiyak ang kaligtasan ng publiko habang iginagalang ang konstitusyonal na karapatan ng mga Pilipino na magsagawa ng mapayapang pagtitipon.
Hinimok din ng ahensya ang lahat ng lalahok sa Trillion Peso March na gamitin ang kanilang karapatan nang may pananagutan, sundin ang mga lehitimong utos ng awtoridad, at makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Dagdag pa ng ahensya, mananatiling malinaw ang kanilang tungkulin—protektahan ang bawat buhay, pakinggan ang bawat tinig, at itaguyod ang rule of law sa lahat ng oras.











