CAUAYAN CITY – Ipinapaubaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) region 2 sa mga lokal na pamahalaan (LGU) ang pag-regulate sa mga nagsulputang community pantries.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Director Jonathan Leusen ng DILG region 2 at chairman ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) na kung siya lamang ang tatanungin ay welcome ang mga community pantries dahil naipapakita nito ang bayanihan ng mga Pilipino.
Gayunman ay dapat hindi maisaalang-alang ang mga minimum helth protocols dahil posibleng ito ang maging dahilan ng pagdami ng virus.
Ayon kay Regional Director Leusen, sa ginawa nilang pagpupulong ay napag-usapan na para mapigilan ang hawaan ng virus ay huwag paisa-isa ang magtutungo sa lugar para magbigay kundi kolektahin para isa na lamang ang magdadala.
Sa ngayon ay ipinauubaya na nila sa mga opisyal ng barangay at LGU’s ang pagregulate sa mga nagsusulputang community pantries para maiwasan ang paglabas ng mga tao.
Umaasa siya na hindi ito magagamit para sa politika lalo na at malapit na ang halalan.






