CAUAYAN CITY – Nagbabala ang DILG Region 2 sa mga brgy officials at iba pang lokal na opisyal na maaari silang masampahan ng kaso kapag hindi sila tutugon sa road clearing operation ng pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Jonathan Paul Leusen, sinabi niya na nagpapatuloy ang pagsasagawa ng mga LGUs sa Road Clearing dahil malapit na ang deadline na ikalabing-lima ng pebrero.
Ayon kay Regional Director Leusen nakatakda ang validation sa mga natapos nang maayos na mga daan sa ikalabing anim ng Pebrero hang ikalawa ng Marso.
Pangunahing titignan ng DILG ang mga unwanted roadblocks kabilang na rito ang mga sasakyang matagal nang nakaparada sa gilid ng daan na hindi natanggal upang maibalik ang dating lawak ng daan at magamit ng publiko ng ligtas.
Aniya lahat naman ng LGUs ay tumugon na sa panawagan ng DILG at nagsimula na ang mga ito sa pagsasaayos sa kanilang area of responsibility maliban sa isang barangay na hindi nakapagcompy dahil sa naganap na pagbaha.
Binalaan naman ng DILG Region 2 ang mga LGUs na hindi tutugon sa nasabing panuntunan na maaari silang masampahan ng kaso sa ombudsman.
Muli namang nanawagan si Regional Director Leusen sa mga LGUs na gawin ang road clearing operations ng tama at ibalik ang dating lawak ng daan para na rin sa kaligtasan ng mamamayan sa paggamit nito.