CAUAYAN CITY – Naideklara nang Insurgency Free Municipality ang Dinapigue, Isabela kahapon ikalima ng Agosto sa Community Center ng nasabing bayan.
Ito’y sa bisa ng Resolution No. 2024-48 na pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Dinapigue noong ika-walo ng Hulyo, 2024.
Magugunitang ikalabing apat ng Disyembre 2018, isang resolusyon ang nagpapatibay na “cleared municipality” na ang nasabing bayan mula sa impluwensya ng Komunistang Teroristang Grupo at nilagdaan ito ni MGen Perfecto Rimando Jr., dating Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army.
Sa kaparehong araw, ang Southern Front Committee Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley o KRCV na dating nag-ooperate sa lugar ay tuluyan nang nabuwag at noong ikadalawamput apat ng Pebrero 2022 naman ay isang Joint Resolution ang nagdeklarang nabuwag na rin ang Rehiyon Centro De Gravidad KRCV.
Dahil sa sunud-sunod na operasyon ng kasundaluhan at pulisya katuwang ang mamamayan, mula noong 2021 ay wala nang naitalang anumang pagkilos ang mga komunistang grupo kaya’t noong ikadalawampu ng Abril 2024, isang Joint Resolution ang pinagtibay na nagrerekomendang ideklara nang Insurgency Free ang bayan ng Dinapigue.
Ang resolusyon ay pinagtibay ng Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Vice Mayor Reynaldo Derije.
Ayon kay Vice Mayor Derije, ang deklarasyon na ito ay magbibigay ng kapanatagan sa mga mamamayan at higit na makakahikayat ng mga mamumuhunan sa kanilang lugar.
Magugunita, ang bayan ng Dinapigue ang ikaapat na coastal town ng Isabela na naideklarang insurgency free kung saan nauna ang bayan ng Maconacon, Palanan at Divilacan, Isabela.