--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtakbuhan ang mga residente palabas ng kanilang mga bahay matapos maramdaman ang magnitude 4.7 na lindol kahapon ng hapon kasabay ng bagyong Betty.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mark Lester Alibuyog, residente at isang guro sa Dinapigue, Isabela na may kalakasan ang naramdaman nilang pagyanig at nagduduyan siya nang lumindol.

Nakita niya ang kanyang mga kapitbahay na nagsigawan at nagtakbuhan palabas sa kanilang mga bahay.

Nakita rin niyang gumalaw ang mga bahay dahil sa lakas ng paglindol.

--Ads--

Wala naman anyang naitalang casualty o nasira sa kanilang bayan dahil sa pagyanig gayunman ay kinabahan sila dahil nasabay pa ito sa bagyong Betty.

Kahapon ay nakaranas ng malalakas na hangin at maalon ang karagatan bagamat maaraw sa nasabing bayan.

Ang mga bangkang pangisda ay dinala na ng mga mangingisda sa mga matataas na lugar upang hindi tangayin ng alon.

Inihanda na rin ang mga paaralan para maging evacuation center.

Nag-ikot din ang mga kasapi ng Dinapigue Police Station upang matiyak na walang residenteng nagtungo sa dagat dahil maganda ang lagay ng panahon kahapon.

Tinig ni Mark Lester Alibuyog.