--Ads--

Muling nanawagan ang Obispo at ang buong Diocese of Bayombong sa mga opisyal ng pamahalaan na agarang kumilos kaugnay sa isyu ng pagmimina sa Nueva Vizcaya.

Ayon sa Simbahan, ang mga pinuno ng bayan at lalawigan ay may pananagutan at moral na tungkuling ipagtanggol ang kabutihang panlahat, at sa sitwasyong ito, kailangan ang aksyon, hindi pananahimik o pag-aatubili.

Nitong Enero 9, kasabay ng Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, nagsumite ang Obispo ng isang pormal na apela sa Tanggapan ng Gobernador ng Nueva Vizcaya at sa Tanggapan ng Alkalde ng Dupax del Norte, na humihiling ng pag-isyu ng Cease and Desist Order laban sa mga exploration activity ng Woggle Mining Corporation.

Ipinatutupad na rin sa kasalukuyan ang isang Writ of Preliminary Injunction sa barikada sa Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya na nag-uutos sa mga residente na tanggalin ang kanilang mga harang pabor sa Woggle Mining Corporation.

--Ads--

Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng matinding pangamba hindi lamang sa mga direktang apektadong komunidad, kundi maging sa mga patuloy na naninindigan para sa pangangalaga ng buhay, lupa, at kalikasan laban sa mining operation sa Nueva Vizcaya.

Sa kanyang liham, binigyang-diin ng Obispo na ang pag-isyu ng naturang kautusan ay makatuwiran at kinakailangan, upang mabigyan ng panahon ang lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensya na magsagawa ng masusi at patas na imbestigasyon hinggil sa pagsunod sa mga kinakailangang konsultasyon at pahintulot alinsunod sa umiiral na mga batas.

Nagpadala rin ng mga pormal na apela sa Vice Governorr at Sangguniang Panlalawigan, gayundin sa Bise Alkalde at sa Sangguniang Bayan ng Dupax del Norte, na nananawagan sa kanila na suportahan ang panawagan ng Obispo at tumindig kasama ng mga apektadong komunidad.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang kanilang agarang tugon.

Nanawagan din ang Simbahan sa mga mananampalataya, civil organizations, environmental advocates manatiling mapagmatyag, magsalita, at makiisa sa mga komunidad ng Barangay Bitnong.

Ayon sa pahayag, ang isyu ay hindi lamang lokal na usapin kundi isang moral at panlipunang pananagutan ng lahat.