CAUAYAN CITY– Kasalukuyan nang lumilikom ng donasyon ang Diocese of Ilagan bilang pakikiisa sa Catholic Bishops Conference of the Philippines sa hangaring matulungan ang mga naapektuhan ng 7.8 na lindol sa Turkey at Syria.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bishop David William Antonio ng Diocese of Ilagan, sinabi niya na tuloy tuloy ang ginagawa nilang pangangalap ng donasyon na ipapaabot sa mga biktima ng lindol sa Turkey at Syria.
Aniya, mayroon silang hanggang sa katapusan ng buwan para magsumite sa kanilang nalikom na ipapasakamay sa Catholic Bishop Conference of the Philippines bago isumite sa Caritas at ipasakamay sa Caritas Syria.
Bukas para sa lahat ng mga mananampaataya at parokya ang nagnanais na magpaabot ng tulong ang Social Action Commision ng Diocese of Ilagan na siyang naatasan sa pagtanggap ng donasyon.
Maari ring magpaabot ng donasiyon sa pamamagitan ng e-wallet o bank transfer.