--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagdadalamhati ngayon ang Diocese of Ilagan dahil sa pagkasunog ng isa sa mga itinuturing na heritage of Christian settlement.

Natupok ang Inner Sanctuary ng St. Ferdinand Parish Church matapos itong masunog kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bishop David William Antonio, sinabi niya na walang naisalba sa inner sanctuary dahil sa malakas na ang apoy sa altar ng simbahan subalit nagawa ng ilan na isalba ang mga rebulto.

Aniya sa ngayon ay hindi pa nila nakumpirma ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na napaulat na nasugatan dahil sa kagustuhang maisalba ang mga gamit ng simbahan.

--Ads--

Para kay Bishop Antonio ang pangyayari sa St. Ferdinand Parish Church ay isang paalala para sa kanila na siguruhin ang kaligtasan ng lahat ng mga simbahang nasasakupan ng Diocese of Ilagan.

Bagamat nakakalungkot ito ay hinikayat niya ang bawat miyembro ng parokya na magkaisa para sa muling pagbangon ng simbahan.

Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa pamahalaang lungsod ng Ilagan, sa mga ahensya na tumulong sa pag-apula ng sunog at maging sa media na naging katuwang sa pagpapalaganap ng mga kaganapan at impormasyon.

Pinayuhan niya ang publiko na maging maingat at sumunod sa mga panuntunan ng Bureau of Fire Protection o BFP para manatiling ligtas at makaiwas sa sunog.