--Ads--

Pansamantalang isinara ng contractor ang approach ng Disabungan Bridge sa Villa Ancheta, Barangay Minanga, San Mariano, Isabela dahil sa ongoing na konstruksyon.

Kamakailan ay naglitawan sa social media ang ilang larawan kung saan maraming motorista ang hindi makadaan sa ginawang temporary bridge sa hinuhukay na bahagi ng tulay na puno ng tubig.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Engr. Norwin Dannug, nagkaroon na sila ng pagpupulong kasama ang DPWH at ang contractor ng tulay.

Sa isinagawang pagsusuri ng DPWH, nakita na may bukal sa gitnang bahagi ng tulay na siyang dahilan kung bakit naiipon ang tubig.

--Ads--

Dahil dito, binakbak ang dalawang span ng tulay upang malagyan muna ng tubo sa ilalim bago muling buhusan ng semento.

Tiniyak naman ng contractor na ang gastos sa ginagawang rehabilitasyon o pagkukumpuni sa tulay ay hindi sasagutin ng LGU San Mariano.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagbubuhos ng semento sa ginagawang bahagi ng tulay at inaasahang malalagyan na ito ng aspalto sa mga susunod na linggo.

Nilinaw rin niya na hindi pa tuluyang naipapasa sa LGU ang tulay, subalit pansamantalang pinapayagan na dumaan dito ang mga motorista upang kahit papaano ay hindi sila mahirapan sa pagpasok at paglabas sa naturang lugar, lalo na’t ang tulay ang pangunahing access ng mga residente.

Ang nasabing tulay ay nakatakda ring maipasa sa LGU San Mariano oras na maayos na ang binakbak na span ng tulay.