--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang disaster relief operations ng DSWD Region 2 sa mga apektado ng bagyong Kristine maging sa mga maapektuhan ng bagyong Leon.

Umabot na sa 51,178 food at non-food items ang naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Kristine sa Lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Maria Lourdes Martin ng Disaster Response and Management Division ng DSWD Region 2, sinabi niya na nasa 2,000 by funds na stockpile ang ahensya na nagkakahalaga ng P140.6 milyon.

Nasa P3 milyon naman ang kanilang standby funds sakaling kulangin ang nasabing stockpile.

--Ads--

Sa kasalukuyan nasa 83,642 na family food packs ang prepositioned sa mga LGUs.

Mayroon pa silang hinihintay na family food packs na mula sa Central Office na maibibigay din sa mga LGU na hihingi pa ng augmentation support.

Una nang dumating ang 19,000 mula sa 30,000 na hiniling ng ahensya kaya may 11,000 pa silang hinihintay.

Aniya sa ngayon ang Batanes ay mayroong 1,658 na prepositioned family food packs at maaring sa mga susunod na araw ay maidedeliver din nila ang karagdagang suplay sa mga susunod na araw.

Pahirapan ang pagtungo sa isla dahil sa maalong karagatan at kahit sa pamamagitan ng air assets lalo na ngayong pangunahing apektado ng bagyong Leon ang nasabing lalawigan.

Tiniyak naman niyang agad na maipapadala ang 13,000 family food packs basta gumanda na ang lagay ng panahon.