CAUAYAN CITY – Inilunsad ngayong araw ang Diskwento Caravan Balik-Eskwela Edition ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa Baligatan Public Market sa City of Ilagan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Winston Singun ng DTI Isabela, sinabi niya na ang Diskwento Caravan Balik Eskwela Edition ay magsisimula ngayong araw hanggang sa Linggo, June 2, 2019.
Aniya, karamihan sa kanilang mga paninda ay mga gamit sa paaralan at mayron ding mga pangunahing pangangailangan sa bahay tulad ng mga grocery items.
Sinadya umano nila itong itaon sa weekend dahil ang pasukan ay sa araw na ng Lunes at tamang-tama ang pag-anyaya nila sa mga mamamayan na magpunta sa Lunsod ng Ilagan para mamili ng mga gamit sa eskwelahan.
Nagbigay umano ng 5 hanggang 15% na diskuwento ang kanilang mga distributor.
Dagdag pa ni Provincial Director Singun na kung mayroon lamang silang kakayahan ay mas marami pa silang pagdarausan na lugar subalit limitado ang kanilang mga resources.
Tiniyak ni Ginoong Singun na ang mga paninda sa kanilang Diskwento Caravan ay dekalidad kahit na ang mga ito ay discounted.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na mamasyal sa kanilang venue at bumili ng mga discounted products.