--Ads--

CAUAYAN CITY- Nilinaw ng Commission on Election o COMELEC Santiago ang ilang impormasyon na may mga lokal na kandidato sa Lungsod ang na-diskwalipika kasunod ng inihaing show cause order ng Comelec Central Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Election Officer Jenny May Gutierrez, sinabi niya na masusi nilang sinusuri ang mga alegasyon ng vote buying incidents sa Lungsod ng Santiago.

Aniya biniperipika na nila ang mga sinasabing vote buying sites sa Lungsod batay sa mga nagpapadala ng sulat o report sa kanila, maliban pa sa mga kumakalat na facebook post sa social media.

Sa kabila nito ay hinihikayat pa rin nila ang mga nagrereklamo na magsampa ng formal complaint sa kanilang tanggapan upang ang reklamo o mga alegasyon ay maaksyunan ng komisyon.

--Ads--

Samantala, kamakailan ay inilabas ng COMELEC ang listahan ng mga lokal na kandidato na binigyan ng show cause order at apat mula sa listahan ay galing sa Lungsod ng Santiago kabilang dito si City Mayor Atty. Sheena Tan, Cong. Joseph Tan, Anton Abaya at Sherman Miguel.

Ito ay matapos na ipadala ang mga reklamo kaugnay sa umano’y vote buying sa National Kontra Bigay Committee.

Nilinaw naman niya na hindi dahil may show cause order ay agad na disqualified o kakasuhan ang sinasabing mga kandidato kundi ito ay isang dokumento na nagbibigay ng pagkakataon sa kanila na makapagpaliwanag laban sa alegasyon ng vote buying.

Kung maayos na maipapaliwanag ay maaaring hindi na matuloy ang kaso subalit kung malakas ang ebidensya na natanggap ng komite at hindi naipaliwanag nang maayos ng sangkot na kandidato, ito ay maaaring ikonsidera bilang election offense.

Nilinaw din niya na may mga pagkakataon kung saan may mga nagaganap na paninira kontra sa ilang kalabang kandidato na nauuwi sa manipulasyon ng ebidensya, mga larawan at videos para lamang masira ang kapakanan ng isang kandidato.

Pinapayuhan nila ngayon ang publiko na huwag basta basta maniniwala sa nakikita at maging mapanuri lalo na at kumakalat ang ilang impormasyon o fake news kaugnay sa diskwalipikasyon ng ilang kandidato sa Santiago dahil umano sa pamimili ng boto.