
CAUAYAN CITY – Pabor ang distributor ng harina sa bansa sa kahilingan ng mga bakery owners na itaas ang presyo ng tinapay dahil sa mataas na presyo ng harina.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Elver Lagamon, National Sales Manager ng RFM Corporation na kailangan nang itaas ang presyo ng tinapay dahil sa sobrang taas na ng mga kailangan sa paggawa ng tinapay hindi lamang ang harina kundi maging ang asukal.
Aniya, ang pagpapaliit sa size ng tinapay ay makakaapekto sa kalidad nito at mas madali na itong masira kaya sana ay payagan na lamang ang mga bakery owners na magtaas ng presyo ng paninda nilang tinapay.
Ayon kay Lagamon, maraming factor ang pagtaas ng presyo ng harina at nangunguna na rito ang pandaigdigang presyo ng trigo na dulot ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Malaki ang itinaas sa presyo ng trigo kaya maging sila ay nahihirapan na rin dahil nasa 200 sako na ng harina ang kanilang inaabsorbed.
Tiniyak naman niya na may sapat na suplay ng trigo sa bansa sa susunod na tatlong buwan kaya huwag mangamba ang mga may-ari ng bakery.
Aniya, ang suplay ng trigo sa bansa ay mula sa Estados Unidos at dahil loyal ang Pilipinas sa pagkuha ng trigo sa naturang bansa ay tiniyak nito na isa ang Pilipinas sa prayoridad na mabibigyan ng suplay.
Sa ngayon ay nag-iikot sila sa iba’t ibang rehiyon para magsagawa ng seminar sa mga bakery owners at matulungan silang gumawa ng tinapay at sa pagbili ng harina na sila ay makakatipid kahit mahal ang presyo ngayon.
Sa kanila namang pag-iikot ay nakita nila na marami nang bakery ang nagsara at karamihan na lamang sa mga nakabukas ngayon ay ang mga bakery na ang may-ari mismo ang gumagawa ng tinapay.










