--Ads--

CAUAYAN CITY – Muling nakapagtala ng kaso ng dengue ang Barangay District 3, Cauayan City, Isabela.

Kamakailan lamang ay nakapagtala umano ang barangay ng tatlong kaso ng dengue kung saan ang mga natamaan ng sakit ay magkakamag-anak.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kap. Lorenzo Mangantulao ng District 3, sinabi niya na binisita na nila ang tirahan ng mga ito at hindi naman aniya maikakaila na madamo ang kanilang bakuran na kadalasang pinamumugaran ng mga lamok.

Aniya, kada Sabado silang nagsasagawa ng general cleaning dahil sa direktiba ng DILG, ngunit sadyang hindi aniya maiiwasan ang sakit na dengue lalo na tuwing tag-ulan.

--Ads--

Dahil dito ay ginawa na aniya nilang regular ang paglilinis sa lugar at hindi na lamang tuwing araw ng sabado.

Mahigpit din aniya nilang ipinatutupad ang R.A 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 kung saan pinapatawan nila ng hanggang limang araw na community service o hanggang P3,000 na multa.ang mga lumalabag.

Ito ay upang mapanatili ang malinis na komunidad at makaiwas sa sakit na dengue.