--Ads--

Upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kalinisan sa kapaligiran, nagdagdag ang Brgy. District I, Cauayan City ng mga bagong kagamitan, kabilang ang apat na motorsiklo, isang patrol vehicle, at 14 na garbage bin.

Ayon kay Kagawad Reynaldo Aldanan II, isa sa mga pangunahing layunin ng pagbili ng mga naturang motorsiklo ay ang mapabilis ang pagtugon ng mga barangay tanod sa mga insidente, lalo na sa mga lugar na masisikip at mahirap pasukin ng mas malalaking sasakyan. Malaki umano ang maitutulong nito upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa barangay.

Matatandaang kamakailan ay binanggit ni Francisco Evangelista, Chief Tanod ng District I, na patuloy nilang hinaharap ang suliranin sa mga kasong pagnanakaw na kinasasangkutan ng mga menor de edad.

Naniniwala ang pamunuan ng barangay na ang mga bagong sasakyan ay makatutulong upang mapalakas ang kanilang presensya sa komunidad at maiwasan ang mga ganitong insidente.

--Ads--

Samantala, upang tugunan naman ang problema sa basura, nagdagdag din ang barangay ng labing-apat na garbage bin.

Ayon kay Aldanan, mas malalaki na at may takip ang mga bagong lalagyan ng basura, kaya’t inaasahang magiging mas maayos ang pagtatapon at pangangalaga sa kalinisan ng paligid.

Sa kabuuan, inaasahan ng Barangay District I na sa tulong ng mga bagong kagamitan ay magiging mas ligtas, malinis, at organisado ang kanilang komunidad.