Naglabas ang Department of Energy (DOE) ng bagong kautusan upang masiguro ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng petrolyo sa bansa, lalo na sa gitna ng pabago-bagong kalagayan sa pandaigdigang merkado at nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan.
Ayon sa inilabas na DOE Department Circular, pinahihintulutan ang pansamantalang at kontroladong paggamit ng Euro II petroleum products para sa piling sektor ng transportasyon.
Sa ilalim ng circular, limitado ang paggamit ng Euro II fuels sa mga sasakyang may modelong 2015 pababa, tradisyunal na jeepney, power plants, generators, at sa maritime at shipping sectors.
Nilinaw ng DOE na pansamantala lamang ito at hindi binabago o pinapalitan ang umiiral na Euro IV fuel standards sa bansa.
Binigyang-diin ni Energy Secretary Sharon Garin na ang interim measure ay isasailalim sa mahigpit na quality control, malinaw na abiso sa publiko, at mga hakbang para sa proteksyon ng konsyumer.
Layunin ng hakbang na ito na tiyakin ang seguridad ng suplay ng langis habang pinangangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng publiko.











