--Ads--

CAUAYAN CITY – Humiling ng karagdagang pondo ang Department of Health sa Department of Budget and Management o DBM para mairelease na ang matagal nang hindi naibigay na emergency allowance ng mga health workers sa bansa.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jao Clumia, presidente ng St. Lukes Medical Center Employees Association na nagkaroon ng dayalogo ang grupo ng mga private workers sa tanggapan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman at napag-alaman nila na ang 7.6 bilyon na naibigay sa Department of Health ay naipamahagi na sa mga health workers pero hindi pa ito sapat.

Napag-alaman din nila na may panibagong hiling na pondo ang Department of Health sa Department of Budget and Management.

Gayunman ay hindi aniya makapagbigay ng data base ang Department of Health kaya hindi pa sila makapagbigay ng datos nang hingian sila ng ni Secretary Pangandaman.

--Ads--

Aniya, kapag maibigay ang karagdagang pondo ng Department of Health ay mababayaran na ang ibang health workers.

Sinabi aniya ni Secretary Pangandaman na dumudulog na rin sa kanya ang ibang health workers na walang pang natatanggap na emergency allowance kaya magpapatawag sila ng pulong sa susunod linggo sa DOH kasama ang Human resources ng mga ospital at ang mga union leader para mapag-usapan kung paano ito masosolusyunan.

Nakikita umano ng DBM na mas maganda kung magkaroon ng meeting sa bawat rehiyon para makita kung ilan ang nabigyan na at hindi pa nabigyan ng health emergency allowance.

Ayon kay Clumia, natutuwa sila sa planong ito ng Department of Budget and Management para maibigay sa mga health workers ang kanilang benepisyo.