--Ads--

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na pinag-aaralan nito ang posibilidad ng isang malawakang pagbabawal sa paggamit at pagbebenta ng vape products, kasunod ng mariing pagkondena sa umano’y “mapanlinlang” na marketing ng mga e-cigarette na naglalagay umano sa publiko, lalo na ang kabataan sa seryosong panganib sa kalusugan.

Inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang kanyang pangamba matapos makita ang ilang high school students na gumagamit at naglalakad nang suot ang kanilang mga vape device.

Ayon kay Herbosa, 18 years old and above ang puwedeng mag-vape, subalit may mga nakikitang mga bata naka-high school uniform may vape implement sa leeg nila at makikitang nag ve-vape.

Iginiit din ng kalihim na malinaw umano ang pagtutok ng vape companies sa kabataan sa kanilang mga patalastas, lalo na’t gumagamit ang mga ito ng makukulay at flavored vape juice na may cartoon-style packaging.

--Ads--

Binatikos din niya ang ilan sa mga kumpanyang vape na aniya’y nagpapalaganap ng maling impormasyon na ang e-cigarettes ay “less harmful” kaysa sigarilyo.

Naniniwala ang DOH Secretary na kailangang higpitan ang enforcement ng batas na pinasa, o mas madali na mag-total ban na lamang para wala nang mabili na vape ang mga kabataan.

Muling iginiit ng DOH na ang e-cigarettes at iba pang tobacco products ay maaaring humantong sa cardiovascular disease, kanser, at iba’t ibang sakit sa baga.

Noong nakaraang taon, iniulat ng ilang health advocates ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay sa Pilipinas dahil sa EVALI o e-cigarette/vape-associated lung injury.

Nagbabala rin ang World Health Organization (WHO) nitong Oktubre na ang e-cigarettes ay nagdulot ng isang “alarming new wave of nicotine addiction,” lalo na’t milyon-milyong kabataan na sa buong mundo ang nahihilig sa paggamit ng vape.

Ayon sa datos, ang mga bata ay siyam na beses na mas malamang mag-vape kumpara sa matatanda. Batay sa unang global estimate ng WHO, higit 100 milyong katao na ang gumagamit ng e-cigarettes, kabilang ang tinatayang 86 milyong adults at 15 milyong kabataan edad 13 hanggang 15.

Habang patuloy na lumalala ang paggamit ng vape, naninindigan ang DOH na dapat paigtingin ang regulasyon o kung kinakailangan, ganap na ipagbawal ito upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, lalo na ang kabataan.