Iniulat ng Department of Health (DOH) na bumaba ng 32.83 porsyento ang naitalang kaso ng dengue sa buong bansa nitong Hulyo 2025, ngunit pinaalalahanan nito ang publiko na huwag maging kampante laban sa sakit.
Mula Hunyo 22 hanggang Hulyo 5, nakapagtala ang DOH ng 12,166 na kaso ng dengue, ngunit bumaba ito sa 8,171 mula Hulyo 6 hanggang 19, ayon sa pahayag ng ahensya nitong Sabado.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang dengue ay isang viral infection na naihahawa sa pamamagitan ng kagat ng lamok. Nagdudulot ito ng matinding lagnat, pananakit ng katawan, at iba pang sintomas, at maaaring humantong sa kamatayan lalo na sa malulubhang kaso.
Noong katapusan ng Hunyo, iniulat ng DOH na umabot sa 123,291 ang kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Hunyo 7.
Sa parehong pahayag nitong Sabado, muling nanawagan ang DOH sa publiko na linisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng lamok, tulad ng mga lalagyan ng tubig na hindi natatakpan at mga basurang naiipon.
Inirerekomenda ng WHO ang tamang pamamahala ng basura, paglilinis ng mga lalagyan ng tubig, at paggamit ng tamang insecticide upang maiwasan ang pagdami ng lamok.










