Tiniyak ng Department of Health na nakahanda ang lahat ng Medical Center Chief sa buong bansa para sa Holiday Season.
Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Undersecretary Dr. Glenn Matthew Baggao ng DOH, sinabi niya na hindi na bago para sa kanila ang paghahanda tuwing paparating ang pasok subalit tiniyak niya na kanilang matutugunan ng maayos ang pangangailangang medikal ng publiko.
Aniya, mayroong itatalagang express lanes sa mga Hospital, at titiyakin nilang well-equipped ang mga Doktor, at mga medical staff ganundin ang pagsiguro na sapat ang suplay ng mga gamot.
Gayunman, pinayuhan pa rin ni Dr. Baggao ang publiko na maghinay-hinay sa pagkain ng mga mamantika at matatamis na pagkain upang maiwasan ang komplikasyon.
Maliban dito ay nakiusap din siya sa publiko na kung maaari ay huwag nang gumamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon bagkus ay gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay upang makaiwas sa disgrasya.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na ingatan ang kalusugan ngayong Holiday Season upang maiwasan ang flu lalo na ngayong malamig at maulan ang panahon.











