Pumalo na sa mahigit 7,000 kaso ng hand, foot and mouth disease o HFMD sa bansa ngayong taon.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula noong unang araw ng Enero hanggang nitong ika-22 ng Pebrero ay nasa 7,598 ang total cases ng HFMD sa bansa.
Sinabi pa ng DOH na mas mataas ito ng tatlong beses kumpara noong nakaraang taon na nasa 2,665 ang naitalang kaso pero mas mababa pa rin kumpara noong 2023 na nakapagtala ng mahigit 2,500 ang kaso sa loob lamang ng isang linggo noong Pebrero.
Mahigit kalahati naman ng mga kaso ngayon ay mula sa Central Luzon, Cordillera Administrative Region, MIMAROPA, at dito sa Metro Manila kung saan 4,225 sa mga ito ay mga batang edad 4 na taong gulang pababa.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, bagama’t madali itong kumalat ay bihira ang kaso ng mga namamatay sa sakit.
Nakukuha ang HFMD mula sa pagtalsik ng laway na may virus o paghawak sa mata, ilong o bibig gamit ang kamay na kontaminado ng virus.