CAUAYAN CITY – May panawagan ngayon ang DOH Region 2 sa mga positibo sa covid-19 tungkol sa ilang napaulat na pagpapakamatay ng mga ito.
Matatandaang may naitalang tatlong kaso ng pagpapakamatay ang DOH Region 2 at may dalawa ring naagapan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rio Magpantay ang Regional Director ng DOH Region 2, sinabi niya na napakahirap ang magpositibo sa Covid-19 lalo pa at isasailalim sa isolation.
Nagdudulot ito ng anxiety sa pasyente lalo na kung naging severe o malubha ang sitwasyon nito.
Nakakaapekto rin ang diskriminasyon sa mga nagpopositibo dahil maging ang kanilang kapamilya ay nasasama sa nadidiscriminate kahit sila ay negatibo sa virus.
Maliban sa Project Gabay ay magkakaroon ng bagong proyekto ang DOH Region 2 tungkol sa profiling ng mga magpopositibo tulad ng pag interview sa mga kapamilya nito bago dalhin sa isolation unit.
Ito ay upang mabigyan ng psycho-social support ang pasyente at kailangan ang skill ng mga medical workers kung paano makipag usap sa mga pasyente na may anxiety.
Paalala ni Dr. Magpantay, huwag mawalan ng pananalig sa Diyos, huwag agad maniniwala sa mga impormasyon sa social media na maraming fake news na magbibigay lamang ng negatibong epekto at magkaroon ng libangan habang nakasailalim sa isolation upang hindi ma-stress.
Sa kasalukuyan bumababa na ang mga kaso ng covid 19 sa ikalawang rehiyon ngunit nasa high risk pa rin ang klasipikasyon ng rehiyon.
Umaasa naman ang DOH Region 2 na magpapatuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso.
Muling nagpaalala si Dr. Magpantay sa mga mamamayan na manatiling sumunod sa mga panuntunan upang ligtas sa virus.