CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng DOH Region 2 ang pagkakatala ng isang panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Region 2.
Ayon kay Dr. Leticia Cabrera, OIC Asst. Regional Director ng DOH Region 2, ang panibagong kaso ay isang 60-anyos na lalaking magsasaka na mula sa Baggao, Cagayan.
Ang nasabing pasyente ay unang nakaranas ng sintomas gaya ng ubo noong April 20 at kanya nitong ipinakonsulta pagkatapos ng tatlong araw.
Maliban rito wala ring travel history ang nasabing pasyente sa mga lugar na mayroong positibong kaso ng COVID-19 at wala rin siyang nakasalamuha na nagpositibo sa COVID-19.
Sa ngayon ay pangungunahan ng DILG, katuwang ang PNP at ang DOH sa pamamagitan ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Lokal na Pamahalaan ng Baggao, ang mas pinaigting na contact tracing upang agarang matukoy ang naging “close contacts” ng pasyente.
Sa kabuuan, ay nakapagtala na ang rehiyon ng 31 Confirmed Cases at 26 rito ang nag-negatibo sa sakit habang isa ang nasawi.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), sinabi niya na nasa mabuting kalagayan ang nasabing pasyente.
Aniya, nirefer lamang sa kanila ng Rural Health Unit (RHU) Baggao noong April 24 ang pasyente.
Isang buwan itong inubo at unang nagpakonsulta sa RHU Baggao.
Sa loob ng isang buwan ay nanghina ang kaliwang bahagi ng katawan nito kaya siya nadiagnosed na isang stroke patient.
Ayon kay Dr. Baggao, nirefer ito sa CVMC bilang isang stroke patient subalit dahil sa kanyang pneumonia ay naclassify ito bilang isang suspect case.
Sa ngayon ay mabuti naman ang kalagayan nito at nakakausap din ng maayos.











